Nakahihiyang mga Bigong Hula

Ni Dirk Anderson

Si Gng. White ay nagpahayag ng maraming nabigong hula hinggil sa pagbabalik ni Cristo, lalo’t noong panahong naguumpisa pa lamang siya sa gawaing ito.  At ang pinaka tangi at kapansinpansin sa lahat ng nabigong hula ay yaong naganap sa pagtitipon noong 1856. Ang hula na sinabi niya roon ito ay naitala sa aklat na Testimonies at ito’y umani ng malawakang pansin sa loob ng Simbahang SDA. Ayon kay Gng. White, ipinakita sa kanya sa pangitain na ilan sa mga dumalo sa 1856 na pagtitipon na iyon ay ililipat raw sa kaluwalhatian. Ganito ang kanyang sinabi,

“Ipinakita sa akin ang kalipunan ng mga taong naroroon sa Pagtitipon. Ang sabi ng anghel, ‘Ang ilan ay ipapakain sa mga uod, ang iba ay ihahatid sa pitong salot, ngunit ang ilan ay mananatiling buhay sa daigdig upang ilipat sa kaluwalhatian sa araw ng pagdating ni Jesus.”[1]

Pagsusuri

Batay sa pahayag na ito, sinasabi ni Gng. White na siya ay nagkaroon ng pangitain na nagpakita sa kung ano ang kahihinatnan ng mga taong dumalo sa nabanggit na pagtitipon na iyon. Dito nga’y malinaw na kanyang sinabi na ilan sa mga dumalo ay daraan sa pitong salot, at may iba na mananatiling buhay hanggang sa pagbabalik ni Jesus. Ang mga Whites ay talagang tiwala sa “pangitain” na ito na anupat ito’y kanilang inilathala sa Testimonies to the Church ni Gng. White. Ito rin ay umani ng malawakang pamamahagi. Subalit sa pagbungad palang ng 1900s, lahat ng dumalo sa pagtitipon na iyon ay nangamatay na. Bunga nito, minsan pang natagpuan ng Simbahang SDA ang kanilang sarili sa masalimoot na kalagayan. Sila ay nag-isip kung paano lulusutan ang gayong bantog at hayag na nabigong hula. 

Ngunit alam natin ang maliwanag na sinasabi ng Biblia, na kapag ang isang propeta ay nagpahayag ng hula at ito ay hindi nangyari, siya ay hindi nagsasalita para sa Panginoon. Ganito ang sabi ng Biblia,

Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon. (Deut. 18:22)

Nagsinungaling ba ang mga Anghel ng Diyos?

Kaya’t kung gugustuhin mo man, ang tanging paraan lang upang paniwalaan na totoo ang mga hula ni Ellen White, ay ang isipin na sinungaling ang mga anghel. Bakit? Pansinin mo ang sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang pagbabalik:

Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. (Mat. 24:36)

Kapansinpansin sa talatang ito, na ayon sa Panginoong Jesus, tanging ang Ama lamang ang Siyang nakakaalam ng araw. Ang mga anghel ay walang kaalaman tungkol sa araw ng pagbabalik ni Cristo! Ang petsa ng pagbabalik na ito ay lihim na tanging Diyos Ama lamang ang nakakaalam. At layunin ng pangungusap rito ni Cristo na tayo ay babalaan; na huwag agad-agad maniwala sa sinumang tao o pati anghel man na magsasabing alam nila ang araw ng pagbabalik ni Cristo.

Kaya’t kung hindi nga alam ng mga anghel ang araw ng pagbabalik ni Cristo, paano nga nilang masasabi kay Ellen White na ang ilan sa mga taong dumalo sa 1856 na pagtitipon ay ililipat sa kaluwalhatian? Ang Diyos ba ay naging laban sa pahayag na ito ni Cristo at ibinigay sa mga anghel ang lihim? Ngunit, pagisipan mo ito:

Kaya’t, bakit na ang Diyos na nakakaalam sa talagang sandali ng Kanyang pagbabalik – ay hahayaan ang Kanyang mga anghel na sabihin sa isang propeta ang isang bagay na alam Niyang HINDI naman mangyayari? Pagisipan mo iyan.

Gayunma’y, isa lang ang tiyak: Kung talagang sinabi man ng anghel kay Ellen White na si Cristo ay magbabalik at ang ilan sa mga dumalo sa pagtitipon ay mananatiling buhay, hindi iyon tunay na anghel ng Diyos!

Mahabang Pila ng mga Nabigong Hula hinggil sa Pagbabalik ni Cristo

Ang hula ni Ellen White noong 1856 ay isa lamang sa napakahabang pila ng mga nabigong hula niya hinggil sa pagbabalik ni Cristo. Si Lucinda Burdick, na dating kaibigan ni Gng. White noong 1840s, ay nagpatotoo kung paanong madalas raw magbigay hula si Gng. White tungkol sa pagbabalik ni Cristo. Ganito ang kanyang patotoo,

“Nakilala ko sina James White at Ellen Harmon (na ngayon ay si Gng. White na) noong bungad ng 1845…Siya’y kunwari’y nagpahayag na ang Diyos raw ay nagpakita sa kanya ng mga bagay-bagay, subalit hindi naman ito natupad. Sa isang pagkakataon pa nga’y sinabi niyang nakita niya ang Panginoon na darating sa buwan ng Hunyo 1845. Ang kanyang hulang ito ay kumalat at naging bali-balita sa maraming mga simbahan at nailimbag sa isang pahayagan sa Portland, Me. Subalit pagdating ng Tag-Init, matapos ang buwan ng Hunyo na hindi natupad ang hula, siya ay tinanong ng isang kaibigan kung paano niya pananagutan ang sinabing pangitain? Ang tugon sa kanya, ‘Ang mga ito raw ay sinabi sa kanya gamit ang wika ng Canaan. At dahil sa hindi niya alam ang wikang ito, napagtanto niyang ang Panginoon pala ay darating sa buwan ng Septyembre, sa halip na sa buwan ng Hunyo.’ Subalit lumipas ang Setyempre at ang marami pang mga buwan, ngunit hindi parin namin nakita ang Panginoon. Ito’y naging tanong sa marami sa amin at tuloy may pabirong sinabi ng iba na marahil ay maraming ‘mga bagay ang nabanggit sa kanya sa wikang Canaan’ sapagkat lubhang napakarami ng kanyang kapalpakan. At ako sa aking sarili ay makapagbibigay rin ng maraming patotoo tungkol sa mga bagay na aking nalalaman.”

Tuloy pa ni Burdick,

“Minsan, noong sila ay papunta sa silangang bahagi ng Maime, kanya raw nakita ang kanilang magiging pakikipaglaban sa masama; na sila ay ibibilanggo at marami pang iba. Sinabi niya ang mga bagay na ito habang sila ay dumadalaw sa mga simbahan. Subalit noong sila’y nakabalik na, sinabi nilang naging maganda ang kanilang paglalakbay. Kaya’t tuloy, naging tanong ng ilang mga kaibigan sa kanila, kung sila ba ay nakaharap ng mga pakikipaglaban sa mga masama o kung nabilanggo man? Ang sagot nila, ‘Hindi namin naranasan ang mga bagay na iyan.’ Bunga nito, maraming mga kaanib sa iba’t ibang mga simbahan ay nagsimulang mabukas ang isipan at nagpasyang umalis at lumaban sa kanyang mga pangitain. Ngunit kanyang sinabi sa kanila na nakita raw niya na ang kanilang ‘mga damit ay may batik ng karumihan.’ At ako mismo, aking nasaksihan sa mga kilala kong mga ministro ang marangal na papuri na kanyang ibinigay noong una. Ang sabi niya sa kanila, ‘Oh! Nagtataglay kayo ng maluninging na korona, PUNO ng mga bituin.’ Subalit nang ang mga ito ay mamulat at lumaban sa kanyang pangitain, nakita niya silang mga ‘isinumpa, hinatulan, naliligaw magpakaylanman at walang pagasa.”[2]

Gayunpaman, sa kabila ng kanyang nakahihiyang kabiguan noong 1844 at 1845, si Gng. White ay nagpatuloy sa kanyang mga hula tungkol sa pagbabalik ni Cristo. At noong Nobyembre 18, 1848, sa lugar ng Dorchester, siya ay nagkaroon muli ng pangitain. Ito ay inilimbag ni Joseph Bates sa kanyang aklat na The Seal of the Living God noong 1849. Sa pangitaing ito ay sinabi ni Ellen White ang ganito,

Ang panahon ng kaguluhan ay nagpasimula na, at ang dahilan kung bakit ang apat na hangin ay hindi pinapakawalan ay dahil sa ang mga banal ay hindi pa lahat natatatakan…”

Sinusugan ni Bates ang pahayag na ito ni White at sinabing “ang panahon ng kaguluhan ay nagsimula na.”

At nataon na noong Tag-init ng 1849, isang epidemya na kolera ang dumating sa maraming lungsod sa America. Ito ay nag-iwan ng daang-daang mga patay. Mabilis na nakita ito ni Gng. White bilang katuparan ng mga hula ni Jesus tungkol sa huling mga araw; na mayroong darating na “mga salot” at mga pangyayaring magiging “pasimula ng mga pagdurusa” (Mat. 24:7-8). Sinamantala niya ang pagkakataon na ito upang takutin ang kanyang mga mambabasa sa pamamagitan ng kanyang malikhaing paglalarawan ng mga dumaraming bangkay sa paligid. Nabanggit niya,

Ang ating mga nakikita at napapakinggan tungkol sa salot ay pasimula pa lamang ng ating higit na makikita at mapapakinggan. Hindi magtatagal, ang mga bangkay at mga namamatay ay papaligid sa atin.”[3]

Subalit hindi nagtagal, matapos niyang sinulat ang hulang ito, natapos ang epidemya at ang Estados Unidos ay muling naging payapa at maunlad sa mahabang panahon. Ngunit sa paglipas ng 33 taon, ang hula na ito na sinulat niya ay inalis sa muling paglilimbag ng Early Writings (1882). At dahil sa lihim at matahimik na pagsasa-alis ng pangungusap na ito, iilan lamang sa mga Adventists ang nakakaalam sa itinuring na “kinasihang” hula na ito. 

Noong Marso ng 1849, nagsulat si Gng. White kay kapatid na Hastings na ganito ang sabi,

“Ilang mga araw na lang ang nalalabi sa paghihirap na ito at tayo’y makakalaya na. Maikli lang ang panahon; tayo’y magpakatatag hanggang sa katapusan.”[4]

At minsan pa, noong ika-24 ng Marso, 1849, si Gng. White ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa hindi niya pinangalanang tao. Ganito ang kanyang sinabi,

“Nakita ko na ang taong ito ay magiging sisidlan ng poot para sa pagkawasak; siya ay inilaan para sa darating na huling pitong salot…”[5]

Subalit ang taong kanyang tinukoy rito ay namatay na hindi man lang naranasan ang kanyang “nakita” tungkol sa “huling pitong salot.” Ngunit ang mga ito ay naging malinaw na katibayan upang makita ng iba na ang kanyang mga pangitain ay huwad pala.

Sa limbag ng Review noong Agosto 1, 1849, sinabi ni Gng. White na sila ay kasalukuyang nasa panahon ng pagtatatak. Ayon sa kanya,

 “Ginagamit ni Satanas ang bawat paraan sa panahong ito ng pagtatatak…Nakita ko si Satanas na masigasig sa kanyang mga paraan na gambalain, linlangin at ilayo ang bayan ng Diyos, kahit mismong sa panahong ito ng pagtatatak.”

At sa pagdating ng Abril, taong 1850, ipinahayag ni Gng. White na ang huling pagyanig ay nagpasimula na. Wika niya,

Ang makapangyarihang pagyanig ay dumating na.”[6]

Samantala, ang kanyang asawa naman na si James ay mayroon ring sinasabi na ang pagtalikod raw ng bayan ng Diyos mula sa Babilonya ay natapos na (Apoc. 18:4). Ganito ang kanyang sinabi,

“Ang Babilonya na simbahan lang sa pangalan ay bumagsak na. Ang bayan ng Diyos ay lumalabas mula sa kanya. Siya ngayon ay naging ‘sinagoga ni Satanas’ na siyang ‘tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon (Apoc. 3:9).’”[7]

Pagdating ng ika-27 ng Hunyo, 1850, sinabi ni Gng. White sa kanyang sulat na ilang buwan na lamang ang nalalabi upang ang bayan ng Diyos ay maging handa. Wika niya,

“Ang anghel na kasakasama ko ay nagsabi sa akin, ‘Ang panahong ito ay halos matatapos na. Maghanda, maghanda, maghanda na kayo.’...ang panahon ay halos matatapos na…at yaong ating mga natutuhan sa mahabang panahon, kanilang matututuhan sa ilang mga buwan lamang.”[8]

Ito ay kapansinpansing pangungusap. Dito’y sinasabi ni Ellen White na ang mga aral na natutuhan niya at ng kanyang mga kasama sa loob ng limang taon, ay matututuhan ng mga bagong kaanib sa loob lamang ng ilang buwan.

At noong buwan ng Setyembre, taong 1850, si Gng. White ay nagbigay babala na si Jesus raw ay halos tapos na sa Kanyang ginagawa sa Kabanalbanalang Dako. Wika niya,

Nakita ko na ang panahon ng pamamalagi ni Jesus sa Kabanalbanalang dako ay matatapos na; ang panahong iyon ay hindi na magtatagal, kundi napakaikli na …Ang panahon ng pagtatatak ay talagang napakaikli at malapit ng matapos.”[9]

Pahayag pa ni Gng. White noong 1854, “Ipinakita sa akin ang kaiklian ng panahon.”[10] Ngunit sa lahat ng ito, ating tanong: sino ba ang nagpakita sa kanya na ang lahat ng nakita niya ay pawang kabulaanan? Na ang mga ito’y hindi galing sa Diyos!

Tungkol nga rito’y dapat malaman na noong hindi dumating si Cristo na gaya ng inaasahan nila noong 1850s, si Gng. White ay unti-unting naring tumigil sa kakaputak ng mga hula tungkol sa muling pagbabalik. Ang kanyang pangungusap sa isang pagtitipon noong 1856 ang siyang kahulihulihang hula tungkol sa pagbabalik ni Cristo; bagamat sinasabing mayroon parin siyang nabanggit noong 1888. Ganito ang sabi,

“Ang oras ay dumarating na; ito ay hindi malayo, at ang ilan sa atin na naniniwala rito ay mabubuhay hanggang sa mangyari ang hula at marinig ang tinig ng arkanghel at ang trumpeta ng Diyos na aalingawngaw mula sa mga kabundukan, kapatagan at karagatan, hanggang sa kaduluduluhang bahagi ng sanlibutan .”[11]

Subalit, 132 mga taon na ang lumipas simula ng ipahayag at isulat ni Ellen White ang mga ganitong bulaang propesiya. Pati narin yaong “ilan sa kanila” na ililipat raw sa kaluwalhatian ay nangamatay at inagnas na ng panahon. Kaya’t ang pagsusuring ito’y nagpapakita lang sa atin, na gaya ng iba pa niyang mga hula tungkol sa pagbabalik ni Cristo, malinaw na pinatunayan ng panahon na ang kanyang mga pangitain ay pulos kabulaanan.

Mga Sitas

[1] Ellen White, Testimonies, Vol. 1, p. 131.

[2] Miles Grant, An Examination of Mrs. Ellen White's Visions (Boston, Massachusetts: Advent Christian Publication Society, 1877).

[3] Ellen White, Present Truth, Sept. 1849.

[4] Ellen White, Letter 4, 1849 para kina kapatid na Hastings, buwan ng Marso 22, mula sa Topsham, Maine.

[5] Ellen White, Manuscript 7, 1849, isinulat buwan ng Marso 24, sa Topsham, Maine.

[6] Ellen White, Present Truth, April, 1850. Sinabi ni Ellen White noong 1861, "...naniniwala kami na ang panahon ng pagyanig ay dumating na." (Letter 5b, 1861, to Lucinda Hall) Letter 5b, 1861, to Lucinda Hall

[7] James White, Present Truth, April, 1850.

[8] Ellen White, Early Writings, pp. 64-67. In Letter 30, 1850, para kina kapatid na Loveland, sa isang bahagi na hindi pa nailathala ng White Estate (as of Dec. 26, 2018), sinula ni Ellen White: "Ang panahon ay halos tapos na."

[9] Ellen White, Experience & Views, pp. 46-47.

[10] Ellen White, Manuscript 6, 1854, para. 2.

[11] Ellen White, Review and Herald, July 31, 1888, para. 9.